Ang Kababaihan ng Taiwan, Ngayon at Noong Nakaraang 50 Taon
Isinalin sa Filipino ni Sheila C. Molina
Ang bilang ng populasyon ng kababaihan sa mundo ay 51%
o 2% na mataas kaysa kalalakihan. Maaaring isipin ng ilan na
ang kababaihan ay nakakukuha ng parehong pagkakataon at karapatan gaya ng
kalalakihan. Ilang kababaihan lamang sa buong mundo ang nakakakuha ng
pantay na karapatan at paggalang tulad sa kalalakihan. Ang tungkulin at
kalagayan ng kababaihan ay unti- unting nagbabago sa nakalipas na 50
taon. Ito ay makikita sa dalawang kalagayan : una ang pagpapalit ng
gampanin ng kababaihan at ang ikalawa ay ang pag-unlad ng kanilang karapatan at
kalagayan. Nakikita ito sa Taiwan. Ang unang kalagayan noong
nakalipas na 50 taon, ang babae sa Taiwan ay katulad sa kasambahay o
housekeeper. Ang tanging tungkulin nila ay tapusin ang hindi mahahalagang
gawaing-bahay na hindi natapos ng kanilang asawa. Ang mga babae ay walang
karapatang magdesisyon dahil sa kanilang mababang kalagayan sa tahanan.
Ngayon, nabago na ang tungkulin ng mga babae at ito ay
lalong naging komplikado. Sa bahay ng mga Taiwanese, sila pa rin ang may
pananagutan sa mga gawaing-bahay. Ngunit sa larangan ng trabaho,
inaasahang magagawa nila kung ano ang nagagawa ng kalalakihan. Sa
madaling salita, dalawang mabibigat na tungkulin ang nakaatang sa kanilang
balikat. Ang ikalawang kalagayan ay pinatutunayan ng pagtaas ng kanilang
sahod, pagkakataong makapag-aral, at mga batas na nangangalaga sa kanila.
Karamihan sa mga kompanya ay nagbibigay ng halaga sa kakayahan ng
babae at ang mga kinauukulan ay handang kumuha ng mga babaeng may
kakayahan at masuwelduhan ng mataas. Tumataas ang pagkakataon na umangat
ang babae sa isang kumpanya at nakikita na ring may mga babaing namamahala.
Isa pa, tumaas ang pagkakataon para sa mga babae pagdating sa edukasyon.
Ayon sa isang estadistika mula sa gobyerno, higit na mataas ang bilang ng
mga babaing nag-aaral sa kolehiyo kung ihahambing sa kalalakihan makalipas ang
50 taon. At ang huling kalagayan ay ang pagbabago ng mga batas
para sa pangangalaga sa kababaihan ay nakikita na rin. Halimbawa, sa
Accton Inc., isa sa nangungunang networking hardware manufacturer sa Taiwan,
ginawa nang isang taon ang maternity leave sa halip na 3 buwan lamang.
Ang gobyerno ng Taiwan ay gumagawa na ng batas sa pagkakaroon ng pantay
na karapatan upang higit nilang mapangalagaan ang kababaihan. Bilang
pagwawakas, naiiba na ang gampanin ng mga babae at higit itong mapanghamon kung
ihahambing noon. Ang kanilang karapatan at kahalagahan ay binibigyan na
ng pansin. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga babae ay
tumatanggap na ng pantay na posisyon at pangangalaga sa lipunan.
Mayroon pa ring mga kompanya na hindi makatarungan ang pagtrato sa mga
babaing lider nito.
Marami pa ring kalalakihan ang nagbibigay ng mabigat na tungkulin
sa kanilang asawa sa tahanan. Ito ay matuwid pa rin sa kanila.
Marami pa ring dapat magbago sa kalagayan ng kababaihan sa Taiwan
at malaki ang aking pag-asa na makita ang ganap at pantay na karapatan nila sa
lipunan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento