Biyernes, Disyembre 12, 2014

akda para sa filipino




Kung tuyo na ang luha mo aking bayan
                                Amado V.  Hernandez
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!

Biyernes, Disyembre 5, 2014

Repleksyon # 3

Ano ang Elehiya ?
       Ang Elehiya ay isang tulang nagpapahayag ng damdamin o paggunita sa isang nilalang na sumakabilang-buhay na . At ang elehiya ay isa ring tulang liriko na naglalarawan ng pagbubulay-bulay o guni-guni hinggil sa kamatayan.
Mga halimbawa :

Biyernes, Nobyembre 28, 2014

Araling ngayon sa Filipino

Talinhaga o Parabula

-  Ang talinghaga talinhaga o parabula
ay isang maikling kuwentong may aral na kalimitang hinahango sa bibliya. Isa itong maikling salaysay na maaaring nasa anyong patula o prosa na malimit nangangaral o nagpapayo hinggil sa isang pangyayari, na kadalasang isinasalarawan ang isang moral o relihiyosong aral. Taliwas sa pabula, ang parabula ay walang inilalahok na tauhang hayop, halaman, bagay, at puwersa sa kalikasan na pawang kumikilos at nagsasalita gaya ngtao. Isang katangian nito ang pagiging isang kuwentong naglalahad o nagpapakita ng kung paanong katulad ng isang bagay ang iba pang bagay. Karamihan sa mga talinghagang nasa Bibliya ay mga kuwentong sinabi ni hesus, na nagtuturo ng kung ano ang katangian ng kaharian ng diyos . 

Halimbawa ng isang Parabula


   

Biyernes, Nobyembre 21, 2014

Repleksyon para sa aralin ..

            Sa kabuuan ng aming aralin , tinalakay namin kung ano ang epiko . At tinalakay din namin ang dalawang uri ng paghahambing . Sa epiko tinalakay namin dito ang epikong Rama at Sita . Ang epikong ito, ito ay pumapatungkol sa pagiging tapat sa pag-ibig ng dalawang tao . At pumapatungkol din ito sa pagiging matapang sa pagharap ng anumang pagsubok  . Tinalakay din namin dito ang mga ugaling lumitaw sa mga karakter sa epikong ito .
          Sa paghahambing naman , tinalakay namin dito ang dalawang uri ng paghahambing . Ito ay ang magkatulad at di – magkatulad na paghahambing  . Sa magkatulad na paghahambing , inihahambing dito ang magkatulad na katangian ng tao , bagay , pook ,  atbp . Gumagamit tayo dito ng salitang gaya , pareho , tulad / magkatulad , magkasing / sing / kasing , hawig  atbp . Sa di – magkatulad na paghahambing naman inihahambing dito ang di mgakatulad na katangian ng tao , bagay , pook atbp . Dito naman gumagamit tayo ng salitang mas , higit , di – hamak , di – gasino / di – gaano , lalo atbp .
          Sa paghahambing  hindi tayo pwede maghambing ng basta - basta . Dahil kailangan mo munang alamin ang katangian ng isang tao o anuman . At kailangan mo rin alamin ang katangian ng isa pa . Bago ka magpatuloy sa iyong paghahambing . At makakatulong sa iyong paghahambing ang mga salitang ginagamit dito .




Biyernes, Nobyembre 7, 2014

Aralin para sa Ikatlong Markahan

                  Rama At Sita
                   (Isinalin sa Filipino ni Rene O. Villanueva)

Sa gubat tumira sina Rama, Sita at Lakshamanan nang ipatapon sila mula sa kaharian ng Ayodha. Minsan, isang babae ang dumalaw sa kanila. Hindi nila alam, nagpapanggap lamang ang babae. Siya ay si Surpanaka, ang kapatid ni Ravana, na hari ng mga higante at demonyo. “ Gusto kitang maging asawa”, sabi nito kay Rama. “ Hindi maaari sabi ni Rama, “ may asawa na ako”Narinig ni Sita ang dalawa kaya lumabas siya. Niyakap ni Rama si Sita sa harap ni Surpanaka.Nagselos nang husto si Surpanaka. Sa galit ay bigla siyang naging higante. Nilundag niya si Sita para patayin. Pero mabilis na nayakap ni Rama ang asawa at agad silang nakalayo kay Surpanaka, siya namang pagdating ni Lakshamanan.

“Sige patayin mo siya!” sabi ni Rama. Binunot ni Lakshamanan ang kanyang espada at nahagip niya ang tenga at ilong ng higante. “Sino ang may gawa nito?”, sigaw ni Ravana nang makita ang ayos ng kapatid. Nagsinungaling si Surpanaka kay Ravana para makaganti kay Rama. Sinabi niyang nakakita siya ng pinakamagandang babae sa gubat at inalok niya itong maging asawa ni Ravana pero tumanggi ang babae. Nang pilitin daw niya, tinagpas ng isang prinsipe ang kanyang ilong at tenga.“Tulungan mo ako, Ravana,” sabi pa nito.”Bihagin mo si Sita para maging asawa mo.” Naniwala naman si Ravana sa kuwento ng kapatid. Pumayag siyang ipaghiganti ito.

Ipinatawag ni Ravana si Maritsa. May galing si Maritsa na mabago ang sarili sa kahit anong anyo at hugis. Nang malaman ni Maritsa na sina Rama at Lakshamanan ang magkakalaban, tumanggi itong tumulong. “Kakampi nila ang mga Diyos.”, Sabi ni Maritsa.

“Kailangan umisip tayo ng paraan kung paanong makukuha si Sita nang hindi masasaktan sina Rama.” Nakumbinsi naman si Ravana kaya nag-isip sila ng patibong para maagaw nila si Sita.
Isang umaga habang namimitas ng bulaklak, nakakita si Sita ng isang gintong usa. Tinawag agad niya sina Rama at Lakshamanan para hulihin ang usa na puno ng mamahaling bato ang sungay.” Baka higante rin iyan,” paalala ni Lakshamanan. Dahil mahal na mahal ang asawa, kinuha ni Rama ang kanyang pana at busog. “ Huwag mong iiwan si Sita kahit ano ang mangyari,” bilin ni Rama sa kapatid. Parang narinig ng usa ang sinabi ni Rama. Agad itong tumakbo kaya napasigaw si Sita. “ Bilis! Habulin mo ang gintong usa!”

Matagal na naghintay ang dalawa pero hindi pa rin dumarating si Rama. Pinilit ni Sita si Lakshamanan na sumunod sa gubat. Hindi, kailangan kitang bantayan,”sabi nito. Ilang oras pa silang naghintay nang bigla silang nakarinig ng isang malakas na sigaw. Napaiyak si Sita sa takot pero ayaw pa ring umalis si Lakshamanan kaya nagalit si Sita.” Siguro gusto mong mamatay si Rama para ikaw ang maging hari.” sabi nitokay Lakshamanan. Nasaktan si Lakshamanan sa bintang ni Sita. Para patunayang mahal niya ang kapatid, agad siyang sumunod sa gubat. Wala silang kamalay-malay na sa labas ay naghihintay si Ravana.

Sa gubat, napatay ni Ravana ang usa at bigla itong naging si Maritsa. Nagpanggap naman si Ravana na isang matandang paring Brahmin. Nagsuot ng kulay kahel na roba at humingi siya ng tubig kay Sita. Hindi nakapagpigil si Ravana. “Bibigyang kita ng limang libong alipin at gagawin kitang reyna ng Lanka,” sabi ni Ravana. Natakot si Sita at nabitiwan ang hawak na banga!

Itinulak ni Sita si Ravana. Bumalik sa anyong higante si Ravana. Hinablot ni Ravana ang mahabang buhok ni Sita at isinakay sa karwaheng hila ng mga kabayong may malalapad na pakpak. Nagsisigaw at nanlaban si Sita pero wala siyang magawa. Lihim na nagsisi si Sita sa ginawa niya kina Rama at Lakshamanan. Itinapon niya ang mga bulaklak sa kanyang buhok. Nagdasal siya na sana ay makita iyon ni Rama para masundan siya at mailigtas.

Mula sa isang mataas na bundok, narinig ng isang agila ang sigaw ni Sita. Hinabol ng ibon ang karwahe ni Ravana. Pinagtataga ni Ravana ang agila at duguan itong bumagsak sa lupa.

Pabalik na sina Rama at Lakshamanan nang makita nila ang naghihingalong agila. “Dinala ni Ravana ang asawa mo sa Lanka,” sabi nito bago mamatay. Sinunog ng magkapatid ang bangkay ng agila.Pagkatapos ay naghanda sila upang sundan ang hari ng mga higante sa Lanka. Dinala ni Ravana si Sita sa Lanka, ang kaharian ng mga higante at demonyo. “Mahalin mo lang ako ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kayamanan.” Sabi ni Ravana. Pero hindi niya napasuko si Sita.

Hiningi ni Rama ang tulong ng hari ng mga unggoy para salakayin ang Lanka. Sa labanang naganap, maraming kawal na unggoy ang napatay pero mas maraming higante ang bumagsak na pugot ang ulo. Hinanap ni Rama si Ravana at silang dalawa ang naglaban.


Matagal na naglaban sina Rama at Ravana hanggang sa mapatay ni Rama ang hari ng mga higante. Tumakas ang iba pang mga higante nang makita nilang patay ang kanilang pinuno. Umiiyak na tumakbo si Sita sa asawa. Nagyakap sila nang mahigpit at muling nagsama nang maligaya.

Biyernes, Oktubre 24, 2014

Takdang Aralin :)

Ang Maituturi kong Kaibigan …
Sa paaralan , ay marami tayong pwedeng maging kaibigan . Maging sa loob ng klase , ngunit sa pakikipagkaibigan ay kailangan dito ang matatag at magandang samahan .
Sa dinami – dami kong kaibigan ay isa lamang sa kanila ang kakaiba o namukod – tangi . At ang maganda pa ay katabi ko lamang siya . Ang pangalan niya ay Gio Barrameda . Para sa akin , napaka-buti tao ni Gio . Siya ay isang masipag na mag-aaral . Matulungin din si Gio sa aking mga kamag – aral . At isa rin siyang responsableng tao . Itong katangian na mayroon si Gio ang ginamit niya para magsilbi sa mga mag – aaral sa aming paaralan , bilang isang boyscout . Halos lahat na yata ay nasa kanya na . May itsura , responsable , matalino , masipag , matulungin , at higit sa lahat siya ay isang mabuting tao .

Iyon ang mga katangian na taglay niya . Kaya nga‘t  di maiwasan na maraming humanga sa kanya . Halos silang lahat na mag-aaral sa aming paaralan ay mayroong paghanga sa kanya . Maliban nalang sa akin syempre . Kaya para sa akin maituturi ko siyang kaibigan , dahil yan sa kanyang magandang pag - uugali  .

Huwebes, Oktubre 23, 2014

Pangatnig


Pangatnig ang mga kataga o lipon ng mga  salitang nag-uugnay sa dalawang salita, parirala sa kapwa parirala at sugnay sa kapwa sugnay upang maipakita ang dalawa o higit pang kaisipan sa loob ng pangungusap. Ang pangatnig ay ginagamit din sa mga pangungusap na tambalan, hugnayan at langkapan.

Ito ay nahahati sa dalawang pangkat :

1.  Pangatnig na nag-uugnay sa magkatimbang na yunit.
(o, ni, maging, at, ‘t, ngunit, kundi) - pinagbubuklod ang kaisipang pinag-uugnay

Halimbawa:
Nakakuha ako ng tubig at tinapay.
Nakatulog ako’t nakapahinga.
Mangongopya ka ba o makikipagkwentuhan ka na lamang?

(ngunit, subalit, datapwat, bagamat, pero) - pangatnig na panalungat; sinasalungat ng ikalawang kaisipan ang ipinahahayag ng nauuna.

Halimbawa:
Matalino si Villar subalit maraming isyung naglalabasan kaugnay sa kanya.
Mabait siya pero istrikto.

2. Pangatnig na nag-uugnay sa di-magkatimbang na yunit.
(kung, kapag, pag)

Halimbawa:
Iboboto ko siya kung wala nang ibang tatakbo na kasintalino niya.

(dahil sa, sapagkat, palibhasa) - nagpapakilala ng sanhi o dahilan

Halimbawa:
Maraming isyung naglalabasan kaugnay sa ilang politiko, palibhasa malapit na naman ang eleksyon.

(kaya, kung gayon, sana) - pangatnig na panlinaw

Halimbawa:
Wala raw siyang kasalanan kaya humarap pa rin siya sa media.



Ang Dula

Dula

Dula -  Ang Dula ay isa rin sa  Panitikang Pilipino.  Ito ay karaniwang nagtatanghal ng mga totoong pangyayari sa buhay ng tao. Ito rin ay nagbibigay aral at aliw sa mga tao o manonood na nakakasaksi dito.
   
      - Ito ay isa sa uri ng Panitikan. Nahahati ito sa mga tagpo at karaniwang itinatanghal sa isang teatro. Ito ay may 5 elemento:


1.       Iskrip -  ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa isang dula.
-         Lahat ng mga nangyayari sa isang dula ay naaayon sa iskrip.
2.     Gumaganap o Aktor - nagbibigay buhay sa dula at nagbibigay damdamin dito
3.     Tanghalan -  Ito ay ang lugar kung saan nangyayari ang isang Dula.
4.    Direktor - ito ay ang taong namamahal sa isang dula at ang lider ng mga aktor.
5.     Manonood  -  Sila ang mga taong nanonood ng dula at sa kanila ito nakalaan.