Ang Alamat ni
Prinsesa Manorah
(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)
Isang
alamat na pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahon
ng Ayutthaya at nagbigay-inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.
Si
Kinnaree Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at ang pinakabata sa
pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Jantakinnaree. Siya
ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay
kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago
ang kanikanilang pakpak kung kanilang nanaisin.
Sa loob ng kahariang
Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang
mga nakatatakot na nilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga tao.
Sa
loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang
pitong kinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan
ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa
ng kaniyang meditasyon.
Isang
araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng Himmapan.
Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang nagtatampisaw
sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa Manorah.
Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay Prinsipe
Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon Panjah. Tiyak
na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa. Ngunit
naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli.
Alam
ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan. Pinuntahan
niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa kaniya ng ermitanyo na
napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad kapag
tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon na nakatira sa pinakasulok-sulukan
ng kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa
ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin ang dragon.
Hindi
natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din
itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli
niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na
dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan
naglalaro ang mga kinnaree.
Habang
abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid at
matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun na lamang ang pagkaawa ng ibang
mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad-agad na lumipad
dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.
Itinali
nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala
at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe Suton na
noo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan. Nakasalubong niya
si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na naakit sa kagandahan ni
Prinsesa Manorah ang prinsipe.
Nang
isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya hinuli at
dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran siya
nito ng napakalaking halaga.
Nagbalik
ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan
umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa
kaniyang inang prinsesa at amang hari ang buong pangyayari, masayang-masaya
sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasal para kina Prinsipe Suton at
Prisesa Manorah.
Bumalik
sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at tuluyang
namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.